Warner Bros. Discovery, tinutulan ang panawagan ng boycott sa mga institusyong pampelikula ng Israel
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-23 22:27:51
OKTUBRE 23, 2025 — Ipinahayag ng Warner Bros. Discovery na ang pagsuporta sa panawagan ng boycott laban sa mga institusyong pampelikula ng Israel ay labag sa kanilang internal non-discrimination policies o patakaran laban sa diskriminasyon. Ayon sa kompanya, ipinagbabawal ng kanilang polisiya ang anumang pagkiling batay sa lahi, relihiyon, o pinagmulan ng nasyonalidad.
Ang nasabing panukalang boycott ay pinangungunahan ng grupong Film Workers for Palestine at nilagdaan ng libu-libong mga propesyonal sa industriya ng pelikula. Target ng kanilang panawagan ang mga festival, broadcaster, at production company ng Israel na umano’y sangkot sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng Warner Bros. Discovery na ang pagputol ng ugnayan sa mga kasosyong Israeli ay taliwas sa kanilang paninindigan para sa inklusibong at patas na pakikipagkalakalan. Dagdag pa nila, hindi nila maaaring suportahan ang anumang kilos na magdudulot ng diskriminasyon laban sa alinmang bansa o lahi.
Sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Palestine, nananatiling maingat ang mga kompanyang pandaigdig tulad ng Warner Bros. Discovery sa pagbalanse ng kanilang mga polisiya sa negosyo at mga panawagang may kinalaman sa pulitika at karapatang pantao. (Larawan: Wikipedia / Google)
