Mag-amang gunman sa Bondi bumisita sa Davao bago ang pamamaril
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-16 15:08:27
December 16, 2025 — Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na bumisita sa Pilipinas noong nakaraang buwan ang mag-amang suspek sa Bondi Beach massacre sa Sydney, Australia. Ayon sa BI, dumating sa bansa sina Sajid Akram, 50, at anak niyang si Naveed Akram, 24, mula Sydney noong Nobyembre 1, 2025, at idineklara ang Davao City bilang kanilang destinasyon.
Sa opisyal na pahayag ng BI, “Both reported Davao as their final destination. They left the country on Nov. 28, 2025, on a connecting flight from Davao to Manila, with Sydney as their final destination.”
Ang pagbisita ng mag-ama ay kasalukuyang iniimbestigahan ng New South Wales Police, na nagsabing hindi pa malinaw ang layunin ng kanilang biyahe sa Pilipinas. “The purpose of the trip remains under investigation,” ayon sa briefing ng mga awtoridad sa Australia.
Noong Disyembre 14, 2025, naganap ang isa sa pinakamalalang mass shooting sa kasaysayan ng Australia sa Bondi Beach, kung saan 15 katao ang nasawi at marami ang nasugatan sa isang Jewish Hanukkah celebration. Ang insidente ay tinukoy bilang pinakamalalang mass shooting sa Australia sa loob ng halos tatlong dekada.
Batay sa mga ulat, si Sajid Akram ay napatay ng mga pulis sa lugar ng insidente, habang si Naveed ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital. Nakita rin ng mga awtoridad ang ISIS flag sa kanilang sasakyan, na nagpalakas ng hinala na may kaugnayan sila sa Islamic State.
Sa Pilipinas, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakikipag-ugnayan sila sa counterparts sa Australia upang alamin kung may koneksyon ang pagbisita ng mga suspek sa bansa sa kanilang naging radikalisasyon.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Australia at Pilipinas ang posibleng ugnayan ng kanilang pagbisita sa Davao sa nangyaring trahedya sa Bondi Beach.
