‘Concern ako. Nakakainis yung doktor mo. Nilaro ka’ — RR Enriquez, naging prangka sa ilong ni Sanya Lopez
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-11 22:49:57
MANILA — Muling naging laman ng usap-usapan ang Kapuso actress na si Sanya Lopez matapos umani ng atensiyon ang komento ni dating Viva Hot Babes member RR Enriquez tungkol sa umano’y pagbabago sa itsura ng ilong ng aktres.
Sa isang video clip na ibinahagi ni RR, direkta niyang sinabi: “Sanya, utang na loob. Ipaulit mo ang nose mo. Hindi pantay. Hindi yan panlalait. Concern ako. Nakakainis yung doktor mo. Nilaro ka.”
Matagal nang nababanggit ang pangalan ni Sanya sa usapin ng cosmetic enhancements, lalo na sa kanyang ilong. Gayunman, sa mga naunang panayam, nilinaw ng aktres na wala pa siyang ginagawang cosmetic surgery o breast augmentation—dental enhancement lamang daw ang pinagawa niya. Idinagdag pa niya na wala siyang nakikitang mali sa pagpapaganda kung ito ay makapagpapasaya sa isang tao.
Sa kabila nito, maraming netizens ang muling nagkomento matapos lumabas ang bagong litrato ng aktres. Ilan ang nagsabing halatang nag-iba ang kanyang ilong, may nag-obserba pa na tila “tabingi” ito, habang may iba namang nagpahayag na maganda pa rin siya kahit anuman ang hitsura. May nagbiro pang, “Nabother ako, nakaka-OC yung ilong. Gusto ko ayusin.”
Samantala, nananatiling tikom si Sanya at wala pang opisyal na tugon sa isyu. Para naman kay RR, ang kanyang matapang na pahayag ay hindi insulto kundi tanda ng malasakit. Kilala si RR Enriquez sa kanyang pagiging prangka at walang takot na maglabas ng opinyon sa showbiz, dahilan kung bakit hati ang reaksyon ng publiko—may pabor sa kanyang pagiging diretso, habang ang iba’y naniniwalang hindi na dapat palakihin ang usapin. (Larawan: Screengrab from Instagram / RR Enriquez)