Ate Gay, emosyonal na nagbahagi ng laban sa stage 4 cancer: 'Kailangan ko ng dasal at lakas'
جرالد اریکا سورینو Ipinost noong 2025-09-20 19:08:41
MANILA — Tumigil muna sa pagbibigay-saya sa entablado ang komedyanteng si Gil “Ate Gay” Morales matapos isiwalat na siya ay nakikipaglaban ngayon sa stage 4 cancer.
Sa isang panayam, ikinuwento ni Ate Gay na nagsimula lamang ang kanyang nararamdaman na tila isang simpleng pamamaga. “Parang beke lang siya noon. Hindi pantay ang mukha ko. Sabi ng mga kasama ko sa work, ‘Hindi pantay ang mukha mo, pa-check mo ’yan,’” pagbabahagi niya.
Dumaan siya sa ultrasound at CT scan, na kalaunan ay sinundan ng biopsy. Bagama’t una ay benign ang resulta, nagpa-second opinion siya matapos mapansin ang paglaki at pagdurugo ng bukol. Doon niya nalaman ang mas malalang kondisyon.
“May kanser ako, stage 4 daw. Magtatagal ba ang buhay ko? Ang sabi, hindi na daw ako aabutin ng 2026. Kaya ang sakit-sakit sa akin. Hindi na rin daw ako puwedeng operahan. Wala raw lunas,” emosyonal na pahayag ni Ate Gay.
Aminado ang komedyante na mabigat ang pinagdaraanan, at madalas siyang maiyak sa kanyang sitwasyon. “Halos araw-araw umiiyak ako. Hindi naman ako nagkulang kay Lord. Although lagi kong sinasabi na walang himala. Kailangan ko po ng dasal. Kailangan ko po ng lakas at sana po makayanan ko ang araw-araw kong buhay sa ngayon.”
Matapos ang pag-amin, bumuhos ang mensahe ng suporta at panalangin mula sa mga kapwa artista, kaibigan, at tagasuporta ng komedyante. Kilala si Ate Gay sa kanyang mga nakaaaliw na impersonation at mga palabas dito at sa ibang bansa.
Sa kabila ng kanyang pinagdaraanan, umaasa siyang magpapatuloy ang kanyang lakas habang tinatahak ang mahirap na laban.
Larawan mula sa Kmjs