گفتمان PH
وب سایت را به زبان خود ترجمه کنید:

Iisang numero na lang para sa emergencies! Unified 911 hotline, inilunsad na

ماریجو فرح آ. بنیتزIpinost noong 2025-09-11 13:44:37 Iisang numero na lang para sa emergencies! Unified 911 hotline, inilunsad na

SETYEMBRE 11, 2025 — Mula ngayon, isang tawag na lang ang kailangan para sa anumang emergency sa bansa. Inilunsad na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang iisang pambansang hotline — 911 — na magsisilbing sentro ng komunikasyon para sa mga insidente ng krimen, sunog, aksidente, o sakuna.

Sa seremonyang ginanap sa PLDT office sa Sampaloc, Maynila, binigyang-diin ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang numero para sa lahat ng uri ng emergency.

“Today, we have one number and that's 9-1-1,” ani Remulla. 

(Ngayon, iisa na lang ang numero natin at iyon ay 9-1-1.)

Bago ito, libu-libong hotline ang ginagamit ng mga Pilipino — mula sa 35 LGUs, 200 fire stations, hanggang sa 40,000 barangay — na nagdudulot ng kalituhan at pagkaantala sa pagtugon.

Sa bagong sistema, ang lahat ng tawag ay idadaan sa isang integrated network na konektado sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at mga lokal na pamahalaan.

Libre ang serbisyo, bukas 24/7, at may kakayahang tumanggap ng tawag sa iba’t ibang wika gaya ng Tagalog, Cebuano, Ilocano, Bicolano, Tausug, at iba pa.

Ayon sa DILG, ang target na response time ay limang minuto. May mga sinanay din na call takers na handang tumugon at magpakalma sa mga tumatawag sa oras ng krisis.

Dagdag pa ng ahensya, ang bagong sistema ay inaasahang magpapabilis sa koordinasyon ng mga responder at magbibigay ng mas mataas na kumpiyansa sa publiko.

Sa simpleng numerong 911, mas mabilis na ang tulong — mula bahay, kalsada, hanggang barangay.

(Larawan: DILG Philippines | Facebook)