BoC kabilang pa rin sa pinaka-corrupt na ahensya ng gobyerno, ayon sa ulat ng United States Department of State
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-12 22:39:18
MANILA — Nanatiling isa sa mga pinaka-corrupt na ahensya sa bansa ang Bureau of Customs (BoC), ayon sa pinakahuling ulat ng United States Department of State hinggil sa investment climate ng Pilipinas.
Sa nasabing report, binigyang-diin ng US State Department na kailangan pang tugunan ng pamahalaan ang mga problema sa transparency at katiwalian sa mga regulasyong umiiral, na patuloy umanong nagiging hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan.
Tinukoy sa ulat na ang sistema ng regulasyon sa Pilipinas ay “hindi malinaw” sa maraming sektor, dahilan upang magkaroon ng hindi pantay at pabagu-bagong pagpapatupad ng batas.
Ayon pa sa dokumento, ilang US investors ang nagreklamo hinggil sa mabigat at magulong proseso ng business registration, customs, at immigration. Partikular na binanggit na ang ilang opisyal ng BoC ay umano’y humihingi ng tinatawag na “facilitation fees” o lagay kapalit ng mas mabilis na pagproseso ng mga dokumento.
“The Embassy has received multiple reports from US businesses of overly invasive searches, inconsistent customs charges, and solicitations of facilitation fees from some customs officials,” ayon sa ulat ng US Investment Climate Statement for the Philippines 2025.
Dagdag pa rito, sinabi ng ulat na ang karamihan sa mga regulatory agency ng bansa ay hindi ganap na independent sapagkat nakapailalim ang mga ito sa mga kagawaran o direkta sa Office of the President, bagay na nakaaapekto umano sa patas na pagpapatupad ng mga batas at regulasyon.
Samantala, Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ay umamin na nababatid niya ang mga obserbasyon ng US State Department ngunit iginiit na nauna na nilang tinugunan ang mga naturang isyu sa pamamagitan ng malawakang reporma.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na sa unang 100 araw ng kanyang panunungkulan, ipinatupad na niya ang mga hakbang laban sa korapsyon, kabilang ang mahigpit na “No Take Policy” na nagbabawal sa anumang uri ng lagayan o ilegal na transaksyon sa loob ng BoC.
Noong Hulyo 2025, naglabas din siya ng memorandum na nagbabawal sa lahat ng opisyal at kawani ng BoC na magkaroon ng anumang interes sa mga negosyo sa customs brokerage, at inatasan silang isiwalat ang mga kamag-anak na may kaugnayan sa mga brokerage firm upang matiyak ang pagiging patas sa mga transaksyon.
Ayon kay Nepomuceno, patuloy na ipatutupad ang mga repormang ito upang ibalik ang tiwala ng publiko at ng mga dayuhang mamumuhunan sa ahensya.