‘Build Homes. Build Happiness’ — Pangulong Marcos, pinangunahan ang National Housing Expo 2025
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-23 22:45:20
MANILA — Bilang pagtupad sa pangako ng administrasyon na magbigay ng disenteng at abot-kayang tahanan para sa bawat pamilyang Pilipino, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng National Housing Expo 2025 na ginanap sa World Trade Center sa Pasay City noong Oktubre 23, 2025.
May temang “Build Homes. Build Happiness,” itinatampok ng Expo ang adhikain ng Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng whole-of-nation approach na naglalayong mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino. Hindi lamang ipinakita ng kaganapan ang mga bagong oportunidad sa pabahay at pinansyal na tulong para sa mga manggagawang Pilipino, kundi pati na rin ang pagbabago na hatid ng pamumuno ng Pangulo sa pagtitiyak na bawat pamilya ay magkaroon ng sariling tahanan.
Sa naturang programa, ipinakita ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling kay Pangulong Marcos ang mga pangunahing proyekto sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (Expanded 4PH) Program, na layuning mapalawak pa ang abot-kayang pabahay sa buong bansa.
Isa sa mga tampok sa Expo ang paglulunsad ng Pag-IBIG Fund Housing Loan Value Card, na nagbibigay sa mga miyembro ng malinaw na kaalaman tungkol sa kanilang pinansyal na kapasidad at mga opsyon sa pabahay na pasok sa kanilang badyet.
Ipinresenta rin ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta ang Loyalty Card Plus, na nagsisilbing membership at rewards card para sa mahigit 400 partner establishments sa buong bansa. Nag-aalok ito ng diskwento sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, gasolina, gamot, at matrikula. Maaari rin itong gamitin bilang cash card para sa ATM withdrawals, online payments, at pagbabayad sa Metro Rail Transit (MRT) fares.
Bilang bahagi ng seremonya, personal na iginawad ni Pangulong Marcos Jr. ang mga benepisyo sa pabahay sa piling mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang key shelter agencies, bilang simbolo ng patuloy na pagtupad ng administrasyon sa pangarap na “tahanan para sa bawat Pilipino.” (Larawan: Bongbong Marcos / Facebook)