SWS Survey: Lumalakas ang suporta kay PBBM sa mga Rehiyon ng Visayas at Mindanao
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-31 23:33:20
MANILA, Philippines — Ikinagulat ngunit ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang resulta ng pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey, na nagpakitang tumaas ang tiwala at suporta sa kanya mula sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao.
Sa isang panayam, inamin ng Pangulo na hindi niya inaasahan ang naturang resulta ngunit lubos siyang nagpapasalamat sa patuloy na kumpiyansa ng publiko sa kanyang liderato.
“It’s, of course, nice to note. I didn’t know about that. But now that you tell me, of course I’m glad that it’s that way,” pahayag ni Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo, magpapatuloy ang kanyang administrasyon sa paghahatid ng serbisyo at sa pagpapatupad ng mga programang magpapabuti sa kabuhayan ng mga Pilipino, anuman ang mga hamong kinakaharap ng bansa.
Batay sa SWS survey, tumaas ng 10 puntos ang kabuuang net satisfaction rating ni Marcos sa buong bansa. Mula +7, umakyat ito sa +28 sa Luzon; mula -6 naging +1 sa Metro Manila; mula -11 naging -2 sa Visayas; at mula -44 tumaas sa -3 sa Mindanao.
Ayon sa ilang tagamasid sa politika, ang pagtaas ng ratings sa mga rehiyong ito ay palatandaan ng lumalawak na pagtitiwala ng publiko sa administrasyon ni Marcos, lalo na sa mga lugar na dati’y limitado ang kanyang suporta noong halalan.
Ipinahayag nila na maituturing itong positibong indikasyon ng pagpapalakas ng ugnayan ng Malacañang sa mga lokal na pamahalaan sa labas ng Luzon.
(Larawan: Bongbong Marcos / Facebook)
