Diskurso PH
Translate the website into your language:

Malacañang: Cassandra Ong nasa Pilipinas pa, may warrant na

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-02 12:19:53 Malacañang: Cassandra Ong nasa Pilipinas pa, may warrant na

MANILA — Kinumpirma ng Malacañang na nasa bansa pa si Cassandra Li Ong, ang negosyanteng sangkot sa mga kasong qualified human trafficking kaugnay ng operasyon ng Lucky South 99 Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga. 

Ayon sa Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, ang impormasyon ay mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Sa kasalukuyan, nasa Pilipinas pa po si Ms. Cassandra Ong. Patuloy pa rin po ang paghahanap sa kanya dahil siya ay fugitive, dahil may warrant of arrest na po,” pahayag ni Castro sa Palace briefing ngayong Miyerkules.

Dagdag pa ng opisyal, nananawagan ang Palasyo sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may makakakita kay Ong upang maisakatuparan ang pagsisilbi ng warrant. 

“So kung sino man din po sa mga kababayan natin ang makakakita kay Ms. Cassandra Ong, ipagbigay alam din po agad sa ating law enforcement agencies para magampanan din ang pagsiserve ng warrant of arrest sa kanya,” ani Castro.

Si Ong, 25-anyos, ay nahaharap sa mga kaso sa Pasig Regional Trial Court kaugnay ng umano’y illegal na operasyon ng Lucky South 99, na sinalakay ng mga awtoridad noong Hulyo 2024 dahil sa mga ulat ng human trafficking at iba pang iregularidad.

Noong Nobyembre, iniulat ng Department of Justice (DOJ) na naglabas ng ₱1-milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makapagtuturo sa kanyang kinaroroonan. Bukod dito, iniutos ng Pasig RTC Branch 157 ang pagkansela ng kanyang pasaporte, kasabay ng pasaporte ni dating presidential spokesperson Harry Roque, dahil sa mga kasong kinahaharap.

Gayunpaman, nilinaw ng DFA na ang pagkansela ng pasaporte ay epektibo lamang kapag may natanggap silang opisyal na kautusan mula sa korte. Sa kasalukuyan, nananatiling aktibo ang manhunt laban kay Ong, at nakikipag-ugnayan ang mga ahensya ng pamahalaan sa Interpol upang matiyak ang kanyang pag-aresto.

Ang kaso ni Ong ay muling nagbigay-diin sa law enforcement lapses sa bansa, na inihalintulad ng ilang senador sa kontrobersyal na kaso ni dating Bamban Mayor Alice Guo. Sa kabila nito, iginiit ng Palasyo na determinado ang pamahalaan na ipatupad ang batas at panagutin ang mga sangkot sa illegal POGO operations.