Lovella Maguad naglabas ng sama ng loob sa karanasan sa Tulfo show
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-17 12:53:00
December 17, 2025 — Muling nagsalita si Lovella Orbe Maguad, ina ng pinaslang na Maguad siblings, hinggil sa naging karanasan nila nang idulog ang kaso sa programang Raffy Tulfo in Action (RTIA) noong Pebrero 2023. Ayon sa kanya, sa kabila ng pagpunta nila sa tanggapan ni Sen. Raffy Tulfo, hindi umano sila natulungan.
Sa kanyang social media post, ibinahagi ni Lovella na marami ang nag-udyok sa kanila na lumapit kay Tulfo. “Marami pong nag-PM sa akin na idulog namin sa Sen. Raffy – RTIA yung case namin… we did n infact we were there actually last February 2023,” aniya.
Ngunit ayon sa kanya, hindi sila pumayag na agad isalang sa TV, kaya hindi rin nila nakausap si Sen. Tulfo. “Pumunta po sana kami doon para humingi ng tulong thru his wisdom — makapagbigay sa amin ng direction kung saang credible office kami pupunta at sino ang aming lapitan. Gusto namin makausap si Sen as a leader ng bansa natin, not as a TV personality,” dagdag niya.
Lovella ay nagtanong kung bakit tila tanging sa harap ng kamera lamang maaaring makausap si Tulfo. “Kasi maka-usap mo lang daw siya pag doon na sa set… bakit hindi po ba pwede na magbigay ng tulong off the camera?”
Ibinahagi rin niya ang hirap na dinanas sa proseso. “Gumastos po kami noon para maghanap ng most reliable na just person na titingin sa kaso namin ng patas, hindi po maghanap ng kaaway, magpahiya sa opisyales sa local at ahensiya on soc med. Basta magdamag ko umiyak noon sa ka-process ng humiliating experience,” aniya.
Ang pahayag ni Lovella ay muling nagbigay-diin sa trahedya ng Maguad siblings, sina Crizzle Gwynn at Crizville Louis, na pinatay sa kanilang bahay sa M’lang, Cotabato noong Disyembre 2021. Ang mga suspek ay kinilalang si Janice Sebial, adopted daughter ng pamilya, at si Emuelin Esmeraldo Canedo Jr., isang menor de edad na sacristan.
Bagama’t nahatulan na ang mga suspek ng 22–37 taon na pagkakakulong, nananatiling hindi kontento ang pamilya Maguad sa naging proseso ng hustisya. Para kay Lovella, ang kanilang karanasan sa RTIA ay nagdagdag pa ng bigat sa kanilang laban para sa hustisya.
Larawan mula kay Lovella Orbe Maguad
