گفتمان PH
وب سایت را به زبان خود ترجمه کنید:

Apo ni Ali sasabak sa 50th anniversary ng Thrilla in Manila sa araneta

مارگرت دایان فرمینIpinost noong 2025-08-30 09:09:39 Apo ni Ali sasabak sa 50th anniversary ng Thrilla in Manila sa araneta

MANILA — Muling magliliyab ang ring sa Smart Araneta Coliseum sa darating na Oktubre 29, 2025, sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng “Thrilla in Manila,” ang makasaysayang laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier noong 1975. Isa sa mga tampok sa event ay ang pagsabak ng apo ni Ali, si Nico Ali Walsh, sa undercard ng boxing supercard na inorganisa ni Manny Pacquiao sa ilalim ng MP Promotions.

“Nico Ali Walsh will fight in the same venue where his grandfather made boxing history,” ayon sa GMA Integrated News. Si Walsh, na nagsimula ng kanyang professional boxing career noong 2021, ay may record na 12 panalo (5 sa pamamagitan ng knockout) at dalawang talo. Huli siyang lumaban noong Mayo kung saan siya ay nanalo via majority decision.

Ang event ay bahagi ng mas malawak na selebrasyon upang gunitain ang “Thrilla in Manila,” na itinuturing na isa sa pinakadakilang laban sa kasaysayan ng boksing. Tampok sa main event ang laban para sa WBC minimumweight title sa pagitan ng defending champion Melvin Jerusalem at Siyakholwa Kuse. Sa co-main event, magtatagisan sina dating featherweight champion Mark Magsayo at Michael Magnesi para sa super featherweight title eliminator.

Kasama rin sa lineup ang mga pambato ng Pilipinas tulad nina Carl Jammes Martin, Weljon Mindoro, Olympic bronze medalist Eumir Marcial, at dating unified champion Marlon Tapales.

Ayon kay Pacquiao, “We will have cards, which are World Championships, which will be held on October 29 to commemorate and celebrate the fight of Muhammad Ali and Frazier”. Kamakailan, nagtungo si Pacquiao sa Malacañang upang hingin ang suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa event. “Pinresent natin yung celebration ng anniversary ng Thrilla in Manila. So we asked his support at saka sa lahat ng ahensya ng gobyerno para i-celebrate itong 50th anniversary,” ani Pacquiao sa panayam.

Nagpahayag ng suporta ang Pangulo at inaasahang dadalo sa event. Sa kanyang alaala, ibinahagi ni Marcos Jr. ang kanyang karanasan noong siya’y naging sparring partner ni Ali sa Folk Arts Theater bago ang orihinal na laban. “Yung nag-jab siya natatakot ako kasi pag nagkamali ako nito, tatamaan ako nito,” biro ng Pangulo.

Ang “Thrilla in Manila” ay ginanap noong Oktubre 1, 1975 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Sa ika-50 taon nito, layunin ng event na muling ipagdiwang ang kontribusyon ng Pilipinas sa pandaigdigang kasaysayan ng boksing.