Cristiano Ronaldo, itinanghal bilang kauna-unahang bilyonaryong manlalaro sa kasaysayan ng sports
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-09 22:23:59
Oktubre 9, 2025 – Itinanghal ng Bloomberg ang Portuguese football superstar na si Cristiano Ronaldo bilang kauna-unahang bilyonaryong manlalaro sa kasaysayan ng isport, matapos umabot sa tinatayang USD 1.4 bilyon ang kanyang kabuuang yaman.
Ayon sa ulat, malaking bahagi ng kayamanan ni Ronaldo ay nagmula sa kanyang kasalukuyang kontrata sa Saudi Arabian club na Al-Nassr, na nagkakahalaga ng mahigit USD 400 milyon. Bago pa rito, nakalikom na umano siya ng mahigit USD 550 milyon mula sa kanyang mga sahod sa iba’t ibang football clubs simula nang magsimula ang kanyang propesyonal na karera noong 2002.
Bukod sa kita mula sa paglalaro, kumikita rin si Ronaldo sa pamamagitan ng endorsement deals at mga negosyo. Kabilang sa kanyang mga kilalang endorsement partners ang Nike, Armani, Tag Heuer, Herbalife, at iba pang global brands. Tinatayang umaabot sa USD 175 milyon kada taon ang kanyang kinikita mula sa mga ganitong kasunduan.
Mayroon din siyang mga negosyo sa ilalim ng CR7 brand, kabilang ang mga hotel, gym chain, fashion line, at pabango. Ayon sa mga eksperto, ang kanyang tagumpay sa negosyo ay patunay ng maingat na pamamahala niya sa kanyang karera at imahe.
Sa kasalukuyan, nananatili pa ring aktibo si Ronaldo sa football sa edad na 40 at patuloy na nagpapakita ng kahusayan sa larangan. Bukod sa pagiging inspirasyon sa mga manlalaro, kinikilala rin siya bilang isa sa mga pinakamalaking personalidad sa social media, na may higit sa 600 milyong followers sa Instagram.
Dahil dito, nakahanay na ngayon si Ronaldo sa iilang atleta sa buong mundo na umabot sa bilyonaryong antas, kabilang sina Michael Jordan, Tiger Woods, at Floyd Mayweather.
Bagaman may mga analista na nagsasabing maaaring mag-iba ang aktuwal na halaga ng kanyang net worth depende sa mga pamumuhunan at buwis, kinikilala pa rin si Ronaldo bilang pinakamayamang aktibong manlalaro sa kasaysayan ng sports, at patuloy na nagiging simbolo ng tagumpay sa loob at labas ng football field.