Japan tinaas sa ¥30M ang kapital sa business visa
مارگرت دایان فرمین Ipinost noong 2025-08-27 09:14:45
TOKYO — Inihayag ng gobyerno ng Japan ang plano nitong higpitan ang mga patakaran sa “Business and Management Visa” para sa mga dayuhang negosyante, kabilang ang malaking pagtaas sa kinakailangang kapital at bagong mandato sa lokal na empleyo.
Ayon sa draft ng Ministry of Justice, itataas ang minimum capital requirement mula ¥5 milyon patungong ¥30 milyon (humigit-kumulang ₱11 milyon), anim na beses na mas mataas kaysa sa kasalukuyang pamantayan.
Bukod dito, kinakailangan na ngayon ang pag-empleyo ng kahit isang full-time na manggagawa sa Japan, kapalit ng dating requirement na dalawang empleyado o viable business plan. Layunin ng mga pagbabagong ito na pigilan ang maling paggamit ng visa system, kung saan may mga dayuhang umano’y nag-a-apply ng visa hindi upang magnegosyo kundi upang makapanirahan sa bansa.
Ang “Business and Management Visa” ay nagbibigay ng long-term stay na hanggang limang taon, may opsyon para sa renewal, at pinapayagan ang pagsama ng pamilya. Maaari ring mag-apply ng permanent residency ang mga holder matapos ang sampung taon, basta’t may limang taon silang may work-qualifying visa status.
Ayon sa datos ng Immigration Services Agency, nasa 41,600 katao ang may hawak ng ganitong visa sa pagtatapos ng 2024, tumaas ng 11% mula sa nakaraang taon. Mahigit kalahati sa mga ito ay Chinese nationals, sinundan ng mga negosyanteng Vietnamese, Thai, at South Korean.
Ang hakbang ay kasunod ng July 2025 Upper House elections kung saan lumakas ang suporta sa isang opposition anti-immigration party, dahilan upang mawalan ng majority ang ruling coalition. Dahil dito, mas lumalakas ang panawagan para sa mas mahigpit na immigration policies sa Japan.
Isasailalim muna sa public consultation ang panukala hanggang Setyembre 24, at inaasahang ipapatupad ang mga pagbabago sa Oktubre ngayong taon.