Diskurso PH
Translate the website into your language:

CBTL ng Jollibee Group, may branch na sa Maldives

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-23 12:25:12 CBTL ng Jollibee Group, may branch na sa Maldives

OKTUBRE 22, 2025 — Pumalo sa bagong destinasyon ang expansion ng Jollibee Group matapos buksan ang kauna-unahang Coffee Bean & Tea Leaf (CBTL) store nito sa Maldives, na matatagpuan sa beachfront ng Central Park sa Hulhumalé.

Ang operasyon ng branch ay hawak ng franchise partner na Waterscape Investments Pvt. Ltd., na may pangakong palawakin pa ang presensya ng brand sa nasabing bansa. Ayon sa Jollibee Group, bahagi ito ng mas malawak na plano ng kompanya na maging isa sa mga nangungunang specialty coffee at tea chains sa buong mundo.

“This is a significant milestone for us, and we are confident that together, we will create a unique and welcoming space where the people of the Maldives can enjoy our handcrafted beverages and experience the authentic flavors we’ve perfected over decades,” pahayag ni CBTL CEO Pepot Miñana. 

(Isang mahalagang hakbang ito para sa amin, at kampante kaming makakalikha ng kakaiba at nakakaanyayang lugar kung saan masisiyahan ang mga taga-Maldives sa aming mga handcrafted na inumin at matitikman ang tunay na lasa na pinino namin sa loob ng mga dekada.)

Sa kasalukuyan, may mahigit 1,200 CBTL stores na sa higit 20 bansa, katuwang ang mga family-owned estates sa Sri Lanka, China, Thailand, at Japan.

Bukod sa CBTL, hawak din ng Jollibee Group ang mga brand tulad ng Jollibee, Chowking, Greenwich, Red Ribbon, Mang Inasal, Burger King, Tim Ho Wan, Panda Express, Yoshinoya, Highlands Coffee, Smashburger, Tortazo, Milksha, Common Man Coffee Roasters, Yong He King, at Hong Zhuang Yuan.

Sa financial performance, nagtala ang Jollibee Group ng P3.416 bilyong net income sa ikalawang quarter ng taon — mas mataas ng 7.2% kumpara sa parehong quarter noong nakaraang taon. Ang attributable net income nito ay umabot sa P3.211 bilyon, tumaas ng 5.6%.

Samantala, ang presyo ng shares ng kompanya ay umakyat sa P219.80 kada piraso, mas mataas ng P1.40 o 0.64% mula sa dating presyong P218.40.

(Larawan: The Coffee Bean & Tea Leaf (Philippines) | Facebook)