Diskurso PH
Translate the website into your language:

Quezon City, pasok sa Hall of Fame ng PCCI matapos ang ikatlong sunod na tagumpay

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-22 18:12:00 Quezon City, pasok sa Hall of Fame ng PCCI matapos ang ikatlong sunod na tagumpay

OKTUBRE 22, 2025 — Pormal nang kinilala ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang Quezon City bilang Most Business-Friendly Local Government Unit (LGU) sa ikatlong sunod na taon, dahilan upang mapasama ito sa prestihiyosong Hall of Fame ng organisasyon.

Ginawaran ang lungsod sa ilalim ng Highly Urbanized Cities – NCR category sa 51st Philippine Business Conference & Expo na ginanap sa SMX Convention Center nitong Oktubre 21. Tumanggap ng parangal sina Mayor Joy Belmonte at Business Permits and Licensing Department (BPLD) head Margie Mejia.

Hindi na bago sa Quezon City ang mga inisyatibong nagpapadali sa pagnenegosyo. Sa pamamagitan ng QC E-Services portal, maaari nang mag-apply, magproseso, at mag-renew ng business permits online. Bukod pa rito, libre na rin ang delivery ng mga dokumento — isang hakbang na nagbabawas ng pisikal na transaksyon at nagpapabilis sa serbisyo.

“Iba’t ibang mga reporma at pagbabago ang isinulong ng ating lokal na pamahalaan alinsunod sa layunin … na i-digitalize o i-automate ang ating business processes upang maging madali, mabilis, maayos at mawakasan ang korapsyon — mula sa mahabang pila para sa pag-apply at renew ng business permit na ngayo’y online na, hanggang sa libreng delivery nito. Tunay na sa QC, doing business is easy,” ani Belmonte sa kaniyang X post.

Ang pagkilalang ito ay patunay sa patuloy na pagsusumikap ng lungsod na gawing episyente, moderno, at patas ang sistema para sa mga negosyante. Sa pagkakapasok sa Hall of Fame, lalong tumibay ang reputasyon ng Quezon City bilang huwarang LGU sa larangan ng pamumuno at serbisyong pang-ekonomiya.

(Larawan: QC Mayor Joy Belmonte | Facebook)