Diskurso PH
Translate the website into your language:

Trump: giyera sa Gaza, tapos na; Israel, nag-aabang na sa pagpapalaya sa mga bihag

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-13 14:15:36 Trump: giyera sa Gaza, tapos na; Israel, nag-aabang na sa pagpapalaya sa mga bihag

OKTUBRE 13, 2025 — Nagdeklara si Pangulong Donald Trump ng pagtatapos ng digmaan sa Gaza habang patungo siya sa Israel nitong Linggo, kasabay ng paghahanda ng bansa sa inaasahang pagpapalaya ng mga bihag mula sa kamay ng Hamas.

“The war is over, you understand that,” pahayag ni Trump sa mga mamamahayag habang nasa Air Force One. 

(Tapos na ang giyera, naiintindihan n’yo ’yan.)

Ayon sa kanya, inaasahan niyang magiging normal muli ang kalagayan sa Gitnang Silangan.

Sa ikatlong araw ng tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas, patuloy ang paglalakbay ng libu-libong Palestinian patungong Gaza City — dating sentro ng matinding opensiba ng Israel — bitbit ang pag-asang tuluyan nang humupa ang kaguluhan.

Sa ilalim ng kasunduan, nakatakdang palayain ng Hamas ang natitirang mga bihag bago magtanghali ng Lunes. Kabilang dito ang 20 buhay na Israeli na inaasahang sabay-sabay na ibabalik, ayon kay tagapagsalita ng gobyerno ng Israel na si Shosh Bedrosian. Kasunod nito ang pag-turn over ng mga labi ng 28 pang bihag na nasawi.

Sa panig ng Israel, nakahanda na rin ang pagpapalaya sa 1,700 Palestinian detainees mula Gaza, 22 menor de edad, at mga labi ng 360 militanteng nasawi. Gayunman, hindi kasama sa listahan ang mga mataas na opisyal ng Hamas na matagal nang hinihiling ng grupo.

Samantala, inihayag ni Defense Minister Israel Katz na kapag naibalik na ang mga bihag, sisimulan ng militar ang pagsira sa mga tunnel sa ilalim ng Gaza na ginagamit umano ng Hamas.

Sa kabila ng mga hakbang patungo sa kapayapaan, nananatiling malayo pa ang inaasam na tuluyang paghilom. Sa pagbabalik ng mga Palestinian sa hilagang bahagi ng Gaza, tumambad sa kanila ang matinding pinsala — wasak na mga gusali, nagkalat na labi ng tao, at babala ng mga hindi sumabog na bomba.

Sa Tel Aviv naman, libu-libong Israeli ang nagtipon sa Hostages Square upang ipahayag ang suporta kay Trump. Habang pinupuri ang kanyang papel sa ceasefire, binatikos naman si Prime Minister Benjamin Netanyahu, na inaakusahang sinadya umanong pahabain ang giyera para sa kapakanan ng kanyang koalisyon.

Lunes ng umaga inaasahang magtalumpati si Trump sa Knesset, ang parlyamento ng Israel — isang bihirang karangalan na ibinibigay lamang sa mga itinuturing na kaalyado ng bansa. Pagkatapos nito, tutungo siya sa Sharm El Sheikh sa Egypt para sa summit ng mahigit 20 lider ng mundo na layong talakayin ang susunod na hakbang sa Gaza.

Kasama sa dadalo si Palestinian Authority President Mahmoud Abbas, ngunit walang kinatawan mula sa Israel ang inaasahang pupunta.

Sa kabila ng deklarasyon ni Trump, nananatiling hamon ang pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon. Habang umaasa ang marami sa tuluyang paghilom, ang mga sugat ng digmaan ay nananatiling sariwa — sa lupa, sa alaala, at sa puso ng mga naapektuhan.

(Larawan: Yahoo)