WHO nagbabala: Tumataas ang bilang ng kabataang nalululong sa e-cigarettes
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-13 10:22:56
GENEVA — Nagbabala ang World Health Organization (WHO) sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kabataang gumagamit ng e-cigarettes sa buong mundo, na tinawag nitong isang “alarming new wave of nicotine addiction” sa kanilang global report na inilabas noong Oktubre 6.
Ayon sa ulat, tinatayang 15 milyong kabataan edad 13 hanggang 15 ang gumagamit ng e-cigarettes, mula sa kabuuang 100 milyong tao na kasalukuyang nagva-vape sa buong mundo. Sa mga bansang may sapat na datos, lumalabas na ang mga bata ay siyam na beses na mas malamang gumamit ng e-cigarettes kaysa sa mga matatanda.
“E-cigarettes are fueling an alarming new wave of nicotine addiction, with millions of children now hooked on vaping,” ayon sa WHO sa isang pahayag.
Bagama’t bumaba ang bilang ng mga gumagamit ng tradisyonal na tabako mula 1.38 bilyon noong 2000 tungong 1.2 bilyon ngayong 2024, nananatiling isa sa bawat limang adulto sa mundo ang gumagamit pa rin ng tabako, na nagdudulot ng milyun-milyong kaso ng maiiwasang pagkamatay taon-taon.
Nanawagan ang WHO sa mga pamahalaan na paigtingin ang regulasyon sa e-cigarettes, lalo na sa marketing na nakatuon sa kabataan. Kasama sa rekomendasyon ang pagbabawal sa flavored vapes, mas mahigpit na age verification, at mas malawak na edukasyon sa panganib ng nicotine addiction.