LAX HORROR STORY! Pinoy na excited sa nobyo, 14 oras ikinulong sa airport
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-29 09:21:48
MANILA — Ibinahagi ni Albright Carranza ang nakapanlulumong karanasan niya matapos ma-detain ng 14 oras sa Los Angeles International Airport (LAX) noong October 25, 2025. Galing siya sa Philippine Airlines flight PR 112 at excited sanang makasama ang kanyang boyfriend matapos ang apat na taong long-distance relationship.
Ayon kay Carranza, naging tensyonado agad ang sitwasyon paglapag pa lang. Dalawang immigration officers ang agad na nagtanong kung bakit limang buwan ang haba ng kanyang stay sa U.S. Ipinaliwanag niya na may sapat siyang suporta mula sa sariling negosyo sa Pilipinas at wala siyang balak magtrabaho sa Amerika, ngunit tila hindi naniwala ang mga opisyal.
Dinala siya sa secondary inspection kung saan paulit-ulit na tinanong tungkol sa kanyang trabaho, pinagkakakitaan, at coaching activities. Ayon sa kanya, tinawag pa siya ng isang officer na “liar” habang sinasabing “You’re wasting my time, so I will waste yours,” bagay na nagdulot sa kanya ng matinding takot at panghihina.
Habang naka-detain ng 14 na oras, hindi siya binigyan ng maayos na pagkain kahit ilang beses siyang nag-request. Kinuha rin ang kanyang phone at isang monitored message lang ang pinayagan para ipaalam sa kanyang partner na siya ay na-detain. Walang paraan para makontak ang pamilya o sinuman.
Kalaunan, ipinakita sa kanya ang isang statement at pinilit siyang pumirma. Aniya, wala siyang pagkain, wala siyang kalayaan, at wala siyang choice kaya napilitan siyang sumunod.
Inihatid siya sa deportation flight PR 103 pabalik sa Pilipinas. Kumpiskado ang passport at may pulang stamp na “REVOKED” ang kanyang visa. Sa eroplano, nakaramdam siya ng matinding lungkot at isolation dahil hindi niya ma-contact ang kanyang partner.
Sa kabutihang-palad, apat sa kanyang kaibigan na nagtatrabaho sa airline ang naka-duty. Nang makita niya ang isa sa mga ito, hindi na niya napigilang umiyak. Tinulungan siya ng mga kaibigan, binigyan ng pagkain at mas ligtas na upuan, at doon lang siya nakaramdam ng kaunting ginhawa matapos ang hirap na pinagdaanan.
Lending her a phone, pinayagan siyang mag-video call sa kanyang partner. Wala na siyang masabi sa pagod at trauma, pero sinabihan siya ng kanyang partner, “We will fight this, my love. I will do everything I can to see you.” Ayon kay Carranza, dito niya ulit naramdaman ang lakas at pag-asa.
Sinabi ni Carranza na ang karanasang ito ay traumatic at hindi makatarungan, ngunit nag-iwan sa kanya ng aral tungkol sa resilience at suporta mula sa mga taong nagmamalasakit. Idinagdag niya na maraming ibang Pilipino ang dumadaan sa ganitong klaseng pangyayari sa U.S. immigration at nais niyang magbahagi upang magbigay-babala at magtaas ng awareness.
“Hindi ko ito nais para sa kahit sino,” ani Carranza. “Pero nangyayari ito. Marami pang iba.”
