Mga artista at personalidad, nakiisa sa Luneta at EDSA rallies kontra korapsyon
جرالد اریکا سورینو Ipinost noong 2025-09-21 18:43:32
Setyembre 21, 2025 — Dumagsa ang mga kilalang artista at personalidad sa magkahiwalay ngunit magkaugnay na kilos-protesta noong Linggo, Setyembre 21, bilang bahagi ng panawagan para sa pananagutan sa umano’y multi-trillion peso anomalies sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Sa “Baha sa Luneta: Aksyon laban sa Korapsyon” sa Rizal Park, Maynila, ilan sa mga dumalo at nakitang nakisama sa hanay ng mga raliyista ay sina Vice Ganda, Anne Curtis, Jasmine Curtis-Smith, Donny Pangilinan, Darren Espanto, Jackie Gonzaga, Ion Perez, Elijah Canlas, Angel Aquino, at drag artist na si Pura Luka Vega.
Nakiisa rin sina Tessie Tomas, Jodi Sta. Maria, Andrea Brillantes, Maris Racal, Marjorie Barretto, Leon Barretto, Anthony Pangilinan, Gardo Versoza, at Julia Barretto. Ang ilan sa kanila ay hindi lamang dumalo kundi nagsalita rin sa entablado upang magpahayag ng pagkadismaya sa umano’y maling paggamit ng pondo para sa mga proyektong kontra baha.
Kasabay ng pagtitipon sa Luneta, ginanap din ang “Trillion Peso March” sa People Power Monument sa EDSA, Quezon City, kung saan nagtipon ang mga faith-based organizations, student groups, civil society networks, at iba pang sektor. May ilang personalidad mula sa showbiz na nakita rin sa EDSA upang ipagpatuloy ang kanilang pakikiisa matapos ang pagtitipon sa Luneta.
Ayon sa mga organizer, higit sa simbolismo ng presensya ng mga sikat na artista, malinaw na mensahe ang nais iparating: nananawagan sila ng buong transparency, pananagutan, at hustisya sa paggamit ng pambansang pondo. Dagdag pa rito, itinaon ang protesta ngayong Setyembre 21 kasabay ng paggunita sa deklarasyon ng Batas Militar, upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mamamayan laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan.
Bagama’t hiwalay ang mga pagtitipon sa Luneta at sa EDSA, parehong nagbigay-diin ang mga tagapagsalita na ang laban kontra katiwalian ay hindi lamang para sa iilang sektor kundi laban na dapat pagtulungan ng buong sambayanan.