Ama ni Meghan Markle ligtas matapos lindol sa Cebu
مارگرت دایان فرمین Ipinost noong 2025-10-03 08:56:36
CEBU CITY — Kinumpirma sa ilang ulat na ligtas at nasa maayos na kalagayan si Thomas Markle, ama ng Duchess of Sussex na si Meghan Markle, matapos ang malakas na magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Northern Cebu noong Setyembre 30.
Ayon sa mga source na malapit sa pamilya, si Thomas Markle ay nananatili sa isang pribadong resort sa Bogo City, isa sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagyanig. “He’s OK and being looked after,” ayon sa isang pahayag na ibinahagi sa entertainment news outlet.
Bagamat hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Meghan Markle o ang kanyang opisina, ilang international media ang nag-ulat na agad na inabisuhan ang pamilya tungkol sa kalagayan ni Thomas. Wala ring naiulat na pinsala sa resort kung saan siya nanunuluyan.
Ang lindol ay nagdulot ng matinding pinsala sa mga bayan ng Bogo, San Remigio, Medellin, at iba pa sa Northern Cebu. Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 72 ang bilang ng mga nasawi, habang mahigit 294 ang nasugatan. Tinatayang 47,000 pamilya ang naapektuhan ng sakuna.
Patuloy ang relief operations sa rehiyon, habang nananatiling mataas ang alert level dahil sa mahigit 3,685 aftershocks na naitala ng PHIVOLCS hanggang Oktubre 3.