Kontrobersyal: Eskwelahan sa Ormoc, humingi ng paumanhin matapos gayahin ng isang grade 3 si Stephen Hawking
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-04 00:24:38
ORMOC CITY — Umani ng batikos online ang isang paaralan sa Ormoc matapos ang kanilang Facebook post tungkol sa “Copying a Scientist” contest kung saan isang Grade 3 estudyante ang nagbihis bilang yumaong theoretical physicist na si Stephen Hawking.
Sa nasabing larawan—na agad nag-viral at umabot sa halos apat na milyong views sa X (dating Twitter)—makikita ang bata na nakasuot ng salamin, checkered shirt, at may ekspresyon sa mukha na tila ginagaya ang itsura ni Hawking na naapektuhan ng ALS. Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya at tinanong kung bakit pinayagan ang ganitong klase ng portrayal.
Matapos ang negatibong reaksiyon, naglabas ng opisyal na pahayag ang Ormoc Immaculate Conception School Foundation, Inc. at inaming nagkaroon ng “lapse in judgment.”
Sa kanilang public apology, iginiit ng paaralan na wala silang intensyon na maging bastos o maliitin ang kontribusyon ni Hawking. Ayon pa sa kanila, “This whole situation is an important and valuable learning moment for our entire school community.”
Dagdag pa nila, ang nasabing paligsahan ay nilikha upang ipakita ang mga siyentistang nagtagumpay sa kabila ng kanilang kinaharap na pagsubok. Gayunman, kinilala ng paaralan na lumabas itong tila hindi sensitibo at nakasakit ng damdamin.
Bilang tugon, tiniyak ng pamunuan na rerepasuhin nila ang mga patakaran para sa mga susunod na aktibidad, at bibigyang-diin ang pagiging sensitibo, maingat, at may respeto. Dagdag pa, palalakasin din nila ang “perceptiveness” ng mga guro at estudyante upang mas maingat na maipakita ang mga tributo sa mga makasaysayang personalidad. (Larawan: Facebook / Ormoc Immaculate Conception School Foundation, Inc.)