Pagkatapos sabihing wala syang insertion, Ka Tunying naglabas umano ng “resibo” ng budget insertion ni Hontiveros
جرالد اریکا سورینو Ipinost noong 2025-10-04 23:10:02
Oktubre 4, 2025 – Inilabas ng mamamahayag na si Anthony “Ka Tunying” Taberna sa kanyang Facebook Live ang diumano’y mga dokumento na naglalaman ng budget insertions na nakapangalan umano kay Senadora Risa Hontiveros para sa 2025 national budget.
Batay sa ipinakitang listahan, ilan sa mga naka-highlight na proyekto ay ang mga sumusunod:
₱100M – Sinili Flood Control Structure, Santiago City, Isabela
₱75M – Flood Control Structures, Baket River, Moncada, Tarlac (Segment 14)
₱75M – Flood Control Structures, Baka River, Paniqui, Tarlac (Segment 29)
₱75M – Flood Control Structures, Camling River, Mayantoc, Tarlac (Package 3)
₱75M – Flood Control Structures, Pait Manok River, San Manuel, Tarlac (Segment 26)
₱40M – Seawall, Brgy. Buenavista, Sorsogon City
₱40M – Seawall, Brgy. Saclayan, Castilla, Sorsogon
₱20M – Seawall, Brgy. Cawil Extension, Magallanes, Sorsogon
₱50M – Nangka–Tugbongan Road with Slope Protection System, Consolacion, Cebu (Phase 2)
₱200M – Flood Control Structure, Sawaga River, Malaybalay, Bukidnon (Package 1)
Gayunman, agad na itinanggi ni Hontiveros ang paratang. Sa kanyang opisyal na pahayag kagabi, iginiit ng senadora na wala siyang kinalaman sa anumang budget insertion.
“Wala po akong bicam insertions. Wala sa unprogrammed funds. PERIOD. Isa pa, HINDI AKO PUMIRMA sa bicam at bumoto rin ng NO sa kontrobersyal na 2025 budget. BABALA: WAG MANIWALA SA PEYK NEWS AT MALING IMPORMASYON,” ayon kay Hontiveros.
Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon mula sa Senado kung lehitimo ang mga dokumentong ipinakita ni Taberna. Nananatiling mainit ang isyu ng umano’y budget insertions na patuloy na binabatikos ng publiko, kasabay ng mga panawagan para sa mas malinaw na imbestigasyon sa paggastos ng pondo ng bayan.