Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pia Cayetano, pinagiisipan ang Senate blue ribbon chairmanship

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-08 21:32:55 Pia Cayetano, pinagiisipan ang Senate blue ribbon chairmanship

OKTUBRE 8, 2025 — Pinag-aaralan ngayon ni Senador Pia Cayetano ang posibilidad na muling pamunuan ang Senate Blue Ribbon Committee, kasunod ng pagbibitiw ni Senador Panfilo Lacson sa naturang posisyon.

Ayon kay Cayetano, nabanggit ang kanyang pangalan sa caucus ng mayorya sa Senado bilang isa sa mga posibleng pumalit kay Lacson, ngunit nilinaw niyang wala pang pormal na alok.

“Hindi madaling umoo sa mga ganyang bagong posisyon. And because my name was mentioned, eh di it’s my job to consider it,” pahayag ni Cayetano. 

Sa kasalukuyan, pinamumunuan ni Cayetano ang iba pang mga komite: Energy, Ways and Means, at Sustainable Development Goals. Dahil dito, aminado siyang mabigat ang responsibilidad kung sakaling tanggapin ang posisyon. 

Gagamitin umano niya ang congressional break upang magmuni-muni at magdasal kung kakayanin pa ang dagdag na tungkulin.

“Mabigat ‘yung trabaho na ‘yan. I already have two other committees, so I will use this time na walang session to pray about it and to think about it kung ma-handle ko siya,” aniya. 

Matatandaang pinamunuan na rin ni Cayetano ang Blue Ribbon Committee mula Enero 2024 hanggang Hunyo 2025. Sa kabila ng karanasan, iginiit niyang mahalagang angkop ang mamumuno sa komite lalo’t sensitibo ang mga isyung hinahawakan nito, gaya ng mga alegasyon sa flood control projects.

Bukod kay Cayetano, kabilang din sa mga pinagpipilian sina Senators Risa Hontiveros, JV Ejercito, Raffy Tulfo, at Kiko Pangilinan. Si Tulfo, bilang vice chair, ang awtomatikong tumayong pansamantalang pinuno ng komite. Gayunman, sinabi niyang hindi niya tatanggapin ang posisyon kung iaalok ito.

Si Ejercito naman ay nagpasalamat sa pagkakasama sa shortlist ngunit inamin ang limitasyon sa karanasan. Samantala, binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng legal na kaalaman sa pamumuno ng komite, lalo na sa mga imbestigasyong may teknikal na aspeto.

Sa huli, iginiit ni Cayetano na ang pinakamahalaga ay mapili ang pinakakarapat-dapat na mamuno sa komite, anuman ang kanyang personal na kakayahan.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)