Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Bye-bye, Marcos!’ Kiko Barzaga, maghahain ng impeachment complaint laban kay PBBM

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-09 11:06:37 ‘Bye-bye, Marcos!’ Kiko Barzaga, maghahain ng impeachment complaint laban kay PBBM

OKTUBRE 9, 2026 — Sa gitna ng plenary hall ng Kamara, isinapubliko ni Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ang kanyang balak na impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y kapabayaan sa mga proyekto sa flood control.

Sa isang Facebook livestream nitong Oktubre 8, ipinakita ni "Congressmeow" Barzaga ang dokumento ng reklamo habang binansagan ang Kamara bilang “crocodile farm.” 

Aniya, “Welcome back to the crocodile farm. Absent ulit ang mga buwaya, nagbakasyon na hehehe.” 

Kasunod nito, inilabas niya ang reklamo: “At may surprise ulit ako sa inyo. It is: The Marcos impeachment complaint! Ameow.” 

Ayon kay Barzaga, ang reklamo ay nakabatay sa “betrayal of public trust” dahil sa umano’y hindi pagtupad ni Marcos sa kanyang tungkulin bilang pangulo, partikular sa pag-apruba ng mga proyektong kulang sa pondo at kalidad. 

“So under the grounds of betrayal of public trust, I am filing an impeachment for President Marcos. And hopefully, Congress will remove him soon, so we can start investigating those involved in the flood control anomalies,” pahayag niya. 

(Kaya sa batayan ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, magsusumite ako ng impeachment laban kay Pangulong Marcos. Sana alisin na siya ng Kongreso para masimulan na ang imbestigasyon sa mga sangkot sa anomalya sa flood control.)

Bago matapos ang video, binigkas pa ni Barzaga ang, “Hehehehe. Bye-bye Marcos! Bye-bye Marcos!”

Sa isa pang Facebook post, iginiit ni Barzaga na hindi lang si dating House Speaker Martin Romualdez ang dapat makulong — kasama raw dapat si Pangulong Marcos sa mga dapat managot.

Kung maisusumite at mae-endorso ang reklamo sa House secretary general, ito ang magiging kauna-unahang impeachment complaint laban kay Marcos.

Matatandaang si Marcos mismo ang unang nagbunyag ng mga iregularidad sa flood mitigation projects. Bilang tugon, bumuo ang Malacañang ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang imbestigahan ang isyu at tukuyin ang mga posibleng may sala.

(Larawan: Congressman Kiko Barzaga | Facebook)