P214.4 milyong floating cocaine nalambat sa West Philippine Sea
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-13 19:48:33
Palawan — Isang malaking tagumpay ang naitala ng Philippine Navy matapos masamsam ang dalawang sako ng floating cocaine na nagkakahalaga ng P214.4 milyon sa isinagawang maritime security operation sa karagatang sakop ng West Philippine Sea (WPS) sa Palawan nitong Sabado.
Ayon kay Lt. Juliet Saldasal, acting chief ng Public Affairs Office ng Western Naval Command (WESCOM), kasalukuyang nagsasagawa ng regular na maritime patrol ang BRP Ladislao Diwa (PS-178) nang maispatan ang dalawang kahina-hinalang sako na palutang-lutang sa karagatan. Agad itong tinungo ng mga tauhan ng Navy upang alamin ang laman at mapanatili ang seguridad sa lugar.
“The said recovery was the result of the Navy ship’s continuous Maritime and Sovereignty Patrol (MARPAT/SOVPAT) operations, aimed at ensuring the protection of Philippine maritime domains within WESCOM’s area of responsibility,” ani Saldasal.
Ayon sa ulat, ang mga natagpuang sako ay matatagpuan sa bahagi ng 1.2 nautical miles sa timog-silangan ng Piedras Point, Puerto Princesa City, at umano’y pag-aari ng lokal na fishing boat na F/B Shernie. Matagumpay namang naiahon ang mga ito, at natuklasan na naglalaman ang mga sako ng 36 bricks ng pinaghihinalaang cocaine, na may kabuuang market value na P214.4 milyon.
Ang naturang operasyon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Philippine Navy upang labanan ang iligal na droga sa karagatan, palakasin ang maritime security, at protektahan ang soberanya ng bansa sa WPS. Binigyang-diin ni Saldasal na ang patuloy na maritime surveillance at security operations ay mahalaga upang maiwasan ang smuggling ng ilegal na droga at mapanatili ang kaligtasan ng mga mamamayan sa coastal areas.
Sa kasalukuyan, ang mga nasamsam na droga ay inilipat sa ligtas na lokasyon para sa inventory at legal na proseso ng pagsisiyasat. Pinapakita ng insidente ang aktibong papel ng Philippine Navy sa pagpapalakas ng maritime law enforcement at anti-drug campaign sa bansa, lalo na sa mga kritikal na rehiyon gaya ng West Philippine Sea.
Ang nasabing operasyon ay isa rin sa mga hakbang ng gobyerno laban sa international drug trafficking networks na nagtatangkang gamitin ang karagatan ng Pilipinas bilang ruta para sa iligal na droga. Sa ilalim ng patuloy na maritime security patrols, tiniyak ng Western Naval Command na nananatiling protektado ang teritoryo ng bansa laban sa banta ng droga at iba pang iligal na aktibidad.
Larawan mula sa PDEA Palawan