Phivolcs, nanawagan laban sa fake news kaugnay ng serye ng lindol sa bansa
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-13 10:22:40
QUEZON CITY — Mariing pinabulaanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga kumakalat na haka-haka sa social media na konektado umano ang mga kamakailang lindol sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sa isang media conference noong Oktubre 12, iginiit ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol na walang ugnayan ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu at ang magnitude 7.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental. “These are all independent earthquake generators,” paliwanag ni Bacolcol.
“Yung mga active faults natin are independent from each other… unless they are very close to each other, pwede magkaroon ng what we call stress transfer but, in this case, masyado na pong malayo, from Cebu to La Union and Mindanao… wala po silang koneksyon."
Kinumpirma rin ng Phivolcs Science Research Analyst na si Paulo Sawi sa isang panayam sa Agenda Weekend ng Bilyonaryo News Channel na walang epekto ang mga lindol sa aktibidad ng mga bulkan sa bansa. “Wala po. Sa ngayon po yung mga lindol natin sa Cebu, sa Surigao del Sur, sa Davao Oriental wala pong kinalaman o wala pong correlation sa ngayon, wala pong epekto sa mga bulkan po,” ani Sawi.
Dagdag pa ng ahensya, ang mga lindol sa Davao Oriental ay maaaring ituring na “doublet earthquake,” kung saan dalawang magkaibang lindol na may bahagyang pagkakaiba sa magnitude ay naganap sa parehong lugar. “This happens when faults or trenches are causing the stress to trigger a sequence of events,” ayon sa pahayag ng Phivolcs.
Nanawagan ang Phivolcs sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon sa social media at sa halip ay makinig sa opisyal na abiso mula sa mga eksperto at ahensya ng pamahalaan.