3-day transport strike ng Manibela, umarangkada na
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-13 09:33:39
OKTUBRE 13, 2025 — Umarangkada na ngayong Lunes ang tatlong araw na transport strike ng grupong Manibela bilang protesta sa umano’y pang-aabuso ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) sa mga tsuper ng pampasaherong sasakyan.
Maagang nagtipon ang mga miyembro ng grupo sa Philcoa, Commonwealth Avenue, Quezon City upang ipahayag ang kanilang galit sa patuloy na pagti-ticket at pagmumulta sa mga drayber kahit kumpleto ang dokumento at maayos ang kondisyon ng kanilang mga unit.
“This is due to the continuous pressure and torture by the DOTr-SAICT on drivers who, even though their vehicles or units are complete and in good condition, are still being ticketed and fined heavily,” ayon sa Manibela.
(Ito ay dahil sa tuloy-tuloy na pressure at paninikil ng DOTr-SAICT sa mga drayber na kahit kumpleto at maayos ang kanilang mga unit ay pinapatawan pa rin ng multa.)
Binatikos din ng grupo si Assistant Secretary Tracker Lim, pinuno ng SAICT, na asawa ni DUMPER Partylist Rep. Claudine Bautista Lim. Giit ng Manibela, sa halip na tumulong sa mga tsuper, tila pinababayaan pa umano ang panggigipit sa kanila.
Bukod sa isyu ng panghuhuli, muling iginiit ng grupo ang pagtutol sa Public Transport Modernization Program (PTMP) ng gobyerno. Layunin ng programa na palitan ang mga lumang jeepney ng mga Euro 4-compliant na unit, ngunit umaabot sa mahigit P2 milyon ang halaga ng bawat modernong sasakyan — halagang hindi kayang abutin ng karaniwang tsuper.
Dagdag pa ng Manibela, ang konsolidasyon ng mga prangkisa sa ilalim ng kooperatiba ay nagiging dahilan upang ituring na “colorum” ang mga hindi sumasali, na lalong nagpapahirap sa mga maliliit na operator.
Sa kabila ng kilos-protesta, nanatiling may mga pampasaherong sasakyang bumibiyahe sa Commonwealth Avenue upang maghatid ng mga commuter. Nagpakalat din ng tauhan ang MMDA upang tiyakin ang kaayusan ng trapiko.
(Larawan: MANIBELA | Facebook)