Diskurso PH
Translate the website into your language:

NUJP-Albay, kinondena ang pagpatay kay broadcaster Noel Bellen Samar

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-21 23:31:51 NUJP-Albay, kinondena ang pagpatay kay broadcaster Noel Bellen Samar

GUINOBATAN, ALBAY — Mariing kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) – Albay Chapter ang brutal na pagpatay sa broadcaster na si Noel Bellen Samar, 54, na binaril ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Morera, Guinobatan nitong Lunes, Oktubre 20.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-9 ng umaga nang tambangan si Samar at barilin ng apat na beses habang naglalakad malapit sa kanilang lugar. Agad siyang isinugod sa Bicol Regional Hospital and Medical Center (BHRMC) sa Legazpi City ngunit binawian ng buhay kalaunan dahil sa tinamong mga sugat.

Si Samar ay station manager ng Kadunong Internet TV at broadcaster din sa 92.3 DWIZ – Legazpi South Luzon at 95.7 DWBC – Radyo ng Libon. Kilala siya sa kanyang masigasig na pagbabalita at aktibong partisipasyon sa lokal na media community ng Albay.

Sa isang pahayag, sinabi ng NUJP-Albay na ang insidente ay isang malinaw na pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag, at nanawagan sila ng mabilis at patas na imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.

Batay sa 2024 Impunity Index ng Committee to Protect Journalists (CPJ), kabilang pa rin ang Pilipinas sa ika-siyam na bansa sa buong mundo kung saan madalas hindi napaparusahan ang mga pumapatay sa mga mamamahayag — patunay na patuloy pa rin ang laban para sa hustisya at proteksyon ng mga tagapaghatid ng balita sa bansa. (Larawan: NUJP/ Facebook)