Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Kaso ng ‘influenza-like illnesses’ sa Quezon Province, tumaas ng 149%

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-21 23:09:46 Tingnan: Kaso ng ‘influenza-like illnesses’ sa Quezon Province, tumaas ng 149%

QUEZON PROVINCE — Ayon sa pinakahuling ulat ng Quezon Provincial Health Office (PHO), tumaas ng 149% ang kaso ng Influenza-like Illnesses (ILI) sa lalawigan kumpara noong nakaraang taon.

Batay sa datos ng PHO, mula 1,157 kaso noong 2024, umakyat ito sa 2,887 kaso mula Enero 1 hanggang Oktubre 20, 2025. Ayon sa mga opisyal ng kalusugan, ang pagtaas ay maaaring dulot ng pabago-bagong lagay ng panahon, pagbaba ng resistensya ng katawan, at pagdami ng mga taong nagtitipon sa mga pampublikong lugar sa panahon ng tag-ulan.

Paalala ng mga health authorities sa publiko na agad magpatingin sa pinakamalapit na health center o ospital kapag nakaranas ng sintomas tulad ng lagnat, ubo, sipon, pananakit ng lalamunan, at pananakit ng katawan. Mahalaga rin umano ang pagpapanatili ng kalinisan, tamang nutrisyon, at sapat na pahinga upang maiwasan ang pagkakahawa sa sakit.

Patuloy namang nagsasagawa ng information campaign ang PHO at mga lokal na pamahalaan upang mapalakas ang kamalayan ng publiko sa mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng Influenza-like Illnesses sa Quezon Province.

Hinimok din ng mga awtoridad ang mga paaralan, opisina, at komunidad na panatilihin ang maayos na bentilasyon sa mga silid at agad na ihiwalay ang mga indibidwal na may sintomas ng trangkaso upang maiwasan ang posibleng pagdami pa ng mga kaso sa mga susunod na linggo. (Larawan: Google)