Bagyong ‘Tino’, posibleng tumama sa Eastern Visayas sa Nobyembre 4
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-30 22:52:12
OKTUBRE 30, 2025 — Nagbabala ang DOST-PAGASA na tumaas na sa “medium” o katamtamang posibilidad ang tsansa ng Low Pressure Area (LPA) na maging ganap na bagyo sa loob ng 24 oras. Kapag tuluyan itong nabuo, tatawagin itong Bagyong “Tino” pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa darating na Linggo.
Ayon sa pinakahuling ulat ng weather bureau, inaasahang magiging mas malakas pa si “Tino” habang tinatahak nito ang direksyong patungong Eastern Visayas, kung saan maaaring tumama ito sa Martes, Nobyembre 4. Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong rehiyon, lalo na sa mga baybaying lugar, na maghanda laban sa posibleng malalakas na hangin at pag-ulan.
Bagaman patuloy pang binabantayan at inaasahang magbabago ang direksyon at lakas ng bagyo sa mga susunod na araw, nananatiling mahalaga ang pagiging alerto at updated sa mga opisyal na abiso ng PAGASA at ng lokal na pamahalaan.
Huwag maging kampante. Maging maaga sa paghahanda upang maiwasan ang sakuna.
Manatiling nakatutok sa mga susunod na ulat hinggil sa Bagyong Tino upang makasiguro sa kaligtasan ng bawat isa. (Larawan: DOST-PAGASA / Facebook)
