Mga residente, namangha sa tila nasusunog na Mt. Payaopao
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-30 23:08:26
ROMBLON, Philippines — Umagaw ng pansin ng mga residente ng San Agustin, Romblon ang isang pambihirang tanawin nitong Miyerkules, Oktubre 29, 2025, matapos mapansin na tila nag-aapoy ang itaas na bahagi ng Mt. Payaopao.
Sa larawang ibinahagi ni Mary Joy Palonpon, makikitang kulay-kahel hanggang pulang liwanag ang bumabalot sa tuktok ng bundok, dahilan upang magmukhang nasusunog o “nagliliyab” ang luntiang kagubatan sa paanan nito. Agad itong umani ng samu’t saring reaksyon mula sa mga netizen, ilan ay nag-aalala na maaaring may sunog sa lugar, habang ang iba naman ay namangha sa kakaibang tanawin.
Ngunit matapos ang masusing pagbusisi, napag-alamang repleksyon lamang ng papalubog na araw ang sanhi ng nasabing liwanag. Ayon sa mga lokal na tagamasid, ang natural na epekto ng sinag ng araw na tumatama sa gilid ng bundok at sa mga ulap na nakadikit sa tuktok nito ang lumikha ng ilusyon na parang apoy.
Pinasalamatan ng mga residente ang mabilis na paglilinaw at sinabing isa itong paalala ng kahanga-hangang ganda ng kalikasan, na patuloy na nagbibigay ng mga tagpong nakabibighani kahit sa mga karaniwang hapon sa Romblon. (Larawan: Mary Joy Palonpon / Facebook)
