7 luxury cars ng Discaya kasama ang Rolls-Royce umbrella i-auction sa Nob. 15 — BOC
Margret Dianne Fermin  Ipinost noong 2025-10-31 08:02:50 
            	MANILA — Ipinahayag ng Bureau of Customs (BOC) na isasagawa ang public auction ng pitong luxury vehicles na pag-aari ng mga kontratistang sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya sa darating na Nobyembre 15, 2025. Ang mga sasakyang ito ay isinuko sa pamahalaan sa pamamagitan ng voluntary forfeiture, ayon sa BOC Deputy Chief of Staff na si Atty. Chris Noel Bendijo.
“They submitted a voluntary forfeiture, I’m referring to the Discayas, meaning to say that they will no longer contest ‘yung seven vehicles,” pahayag ni Bendijo sa isang press briefing. Dagdag pa niya, ang mga sasakyan ay walang import entry at certificate of payment, dahilan upang ito ay kumpiskahin ng ahensya.
Kabilang sa mga sasakyang ia-auction ang mga sumusunod:
- Rolls-Royce Cullinan (kasama ang iconic na umbrella accessory)
- Bentley Bentayga
- Mercedes-Benz G63
- Mercedes-Benz G500
- Lincoln Navigator L
- Toyota Tundra
- Toyota Sequoia
Kinumpirma ni Bendijo na kasama sa auction ang payong ng Rolls-Royce, na tinaguriang signature accessory ng naturang modelo. “Yes, ‘yun [Rolls-Royce] ‘yung may payong. Yes, andoon pa ‘yung payong,” aniya. Nang tanungin kung isasama ito sa bentahan, sagot niya, “Of course.”
Ang mga sasakyang ito ay bahagi ng 13 luxury vehicles na nasa kustodiya ng BOC matapos maglabas ng warrant of seizure and detention. Sa kasalukuyan, pito lamang ang isinuko ng mga Discaya, habang naghain sila ng position paper upang kuwestyunin ang pagkakakumpiska sa natitirang anim na sasakyan, na may import documents ngunit may mga isyu sa bayad.
Ayon sa BOC, ang auction ay ililivestream upang masiguro ang transparency ng proseso. Hindi pa tinutukoy ang starting bid para sa bawat sasakyan, ngunit inaasahang makakalikom ng malaking halaga ang gobyerno mula sa bentahan.
Ang mga Discaya ay kasalukuyang nahaharap sa mga kaso kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects sa Bulacan, kung saan sila ay kabilang sa mga sinampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman.
Ang auction ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng BOC laban sa smuggling at hindi awtorisadong pag-aangkat ng mga produkto, kabilang na ang mga high-end na sasakyan.
