Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pinas, isang ‘ISIS training hotspot?’ Marcos, umalma

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-17 19:12:54 Pinas, isang ‘ISIS training hotspot?’ Marcos, umalma

DISYEMBRE 17, 2025 — Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ulat mula sa ilang dayuhang media na inilalarawan ang Pilipinas bilang “ISIS training hotspot” matapos lumabas ang pangalan ng bansa kaugnay ng Bondi Beach massacre sa Sydney, Australia.

Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, walang batayan ang naturang pahayag. 

“Of course, the President strongly rejects this sweeping statement and the misleading characterisation of the Philippines as an ISIS training hotspot,” aniya.

(Siyempre, mariing tinatanggihan ng Pangulo ang ganitong malawakang pahayag at maling paglalarawan sa Pilipinas bilang pugad ng pagsasanay ng ISIS.)

Binasa ni Castro ang pahayag ng National Security Council (NSC) na nagsasabing, “Currently, there is no validated report or confirmation that the individuals involved in the Bondi Beach incident received any form of training in the Philippines.” 

(Sa kasalukuyan, walang napatunayang ulat o kumpirmasyon na ang mga sangkot sa insidente sa Bondi Beach ay nakatanggap ng anumang uri ng pagsasanay sa Pilipinas.)

Dagdag pa ng NSC, patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad sa mga international partners upang beripikahin ang lahat ng impormasyon, ngunit hanggang ngayon ay walang ebidensiyang nagpapatunay na ginamit ang bansa bilang lugar ng teroristang pagsasanay.

Mula nang sumiklab ang Marawi siege noong 2017, malaki na ang ibinaba ng kapasidad ng mga grupong kaalyado ng ISIS sa bansa. Batay sa datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bumagsak mula 1,257 noong 2016 tungo sa 50 na lamang ang bilang ng mga lokal na teroristang grupo ngayong 2025.

Ayon pa sa AFP, ito ay bunga ng “neutralization” sa 28 high-value targets, kabilang ang 10 lider ng Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at Dawlah Islamiya. Dahil dito, wala nang naitalang malakihang pag-atake o recruitment mula sa mga grupong ito sa nakalipas na siyam na taon.

Binanggit din ng militar na malaki ang pagbabago sa seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Wala nang presensya ng Abu Sayyaf sa Basilan, habang ang Jolo at Sulu ay nakakaranas ng muling pag-usbong ng turismo at ekonomiya.

Hinimok ni Castro ang mga banyagang media na maging maingat. 

“Maging mapanuri at responsable din po sa pagpapahayag lalo ito ay nakakaapekto sa integridad at imahe ng Pilipinas,” giit niya. 

Batay sa Bureau of Immigration, dumating sa Pilipinas noong Nobyembre 1 ang mag-amang sina Sajid Akram, 50, at Naveed Akram, 24, mula Sydney at nagtungo sa Davao. Umalis sila noong Nobyembre 28 pabalik ng Australia.

Noong Disyembre 14, binaril ng dalawa ang mga dumalo sa pagdiriwang ng Hanukkah sa Bondi Beach, na ikinasawi ng 15 katao. Nang mamatay ang isa sa mga suspek, umabot sa 16 ang kabuuang bilang ng nasawi.

Ipinag-utos ni Marcos sa Anti-Terrorism Council at mga kaugnay na ahensya na manatiling alerto laban sa anumang banta at palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga kaalyado sa ibang bansa upang matiyak ang seguridad ng Pilipinas.

Sa kabila ng mga ulat, iginiit ng Palasyo na hindi dapat gawing target ng maling pag-uulat ang bansa, lalo’t patuloy na bumubuti ang kalagayan ng seguridad sa Mindanao at sa buong bansa.



(Larawan: Philippine News Agency)