Diskurso PH
Translate the website into your language:

NLEX, CAVITEX, CALAX, SCTEX libre sa Pasko at Bagong Taon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-19 09:49:02 NLEX, CAVITEX, CALAX, SCTEX libre sa Pasko at Bagong Taon

DISYEMBRE 19, 2025 — Magiging libre ang toll sa lahat ng expressway na pinapatakbo ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ngayong kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon. Sakop nito ang North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), NLEX Connector, Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX), at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).

Ayon sa MPTC, walang sisingilin sa mga motorista mula Disyembre 24, alas-10 ng gabi hanggang Disyembre 25, alas-6 ng umaga, at muli sa Disyembre 31, alas-10 ng gabi hanggang Enero 1, alas-6 ng umaga. 

Layunin nitong magbigay-ginhawa sa mga biyahero na uuwi sa kani-kanilang probinsya o magbabalik sa Metro Manila matapos ang holiday.

Simula Disyembre 19, alas-6 ng umaga, suspendido ang lahat ng roadworks sa NLEX at iba pang expressway ng MPTC. Magbabalik lamang ang mga ito sa Enero 5, 2026, tanghali, upang hindi makaabala sa inaasahang dagsa ng sasakyan.

Magbubukas din ng mga counterflow lane sa piling oras para sa Class 1 RFID-only vehicles. 

Sa NLEX, nakatakdang buksan ang northbound counterflow tuwing Biyernes, alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi mula Balintawak Expansion Plaza. Samantala, ang southbound counterflow ay tuwing Linggo, alas-2 ng hapon hanggang Lunes ng madaling araw, alas-5, mula Bocaue Expansion Plaza.

Bukod dito, magdadagdag ng traffic enforcers, toll personnel, at emergency at medical response teams upang masigurong maayos ang daloy ng trapiko at may agarang tulong sa mga pasahero kung kinakailangan.



(Larawan: NLEX Corporation)