Malawakang ‘Block Everything’ Protests, yumanig sa France laban sa austerity measures ni Macron
جرالد اریکا سورینو Ipinost noong 2025-09-11 12:27:32
PARIS, France — Nagkaroon ng malawakang kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng France nitong Miyerkules, Setyembre 10, kung saan libu-libong mamamayan ang lumabas sa lansangan sa ilalim ng kampanyang tinaguriang “Block Everything.”
Sa gitna ng galit sa mga planong bawasan ang gastusin ng gobyerno, mga isyu sa mataas na presyo ng bilihin, at lumalaking pagkadismaya kay Pangulong Emmanuel Macron at sa political elite, sinikap ng mga raliyista na paralisahin ang normal na daloy ng trapiko at transportasyon.
Nagpatayo ng mga barikada ang mga nagprotesta sa mga pangunahing kalsada at highway, habang ang ilan ay nagsunog ng gulong at kahoy bilang simbolo ng kanilang pagtutol. May mga insidente rin ng sagupaan sa pagitan ng mga pulis at demonstrador sa Paris at iba pang lungsod.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, mahigit 80,000 pulis at gendarmes ang ipinakalat sa buong bansa upang pigilan ang paglala ng kaguluhan. Gumamit ng tear gas at batuta ang ilang pwersa ng seguridad upang maitaboy ang mga grupo ng kabataan na nagsagawa ng marahas na aksyon.
“Eat the rich,” mababasa sa isa sa mga plakard ng mga nagpoprotesta sa kabisera, na sumasalamin sa matinding galit ng mga mamamayan laban sa mga mayayaman at sa nakikita nilang paboritismo ng gobyerno sa elitistang sektor.
Ang protesta ay itinuturing na pagpapatuloy ng mga dating pagkilos tulad ng Yellow Vest movement noong 2018–2019, kung saan daan-daang libong mamamayan ang nag-alsa laban sa mataas na buwis sa gasolina at mga patakarang tinitingnang pabigat sa ordinaryong manggagawa.
Bagama’t kinikilala ng administrasyon ni Macron ang tensyon, iginiit nitong kailangang ipatupad ang mga hakbang sa pagtitipid upang mapatatag ang ekonomiya ng bansa at maibsan ang lumalaking utang pampubliko. Ayon sa mga opisyal, ang mga reporma ay “mahihirap ngunit kinakailangan” para sa pangmatagalang interes ng France.
Gayunpaman, para sa maraming mamamayan, lalo na sa mga manggagawa at kabataang hirap sa mataas na gastusin sa araw-araw, ang mga planong ito ay dagdag pasanin na nagdudulot ng kawalan ng tiwala sa pamahalaan.
Naapektuhan ang transportasyon, kalakalan, at ilang serbisyo publiko dahil sa mga barikada at kilos-protesta. May mga ulat din ng pagkaantala sa pagpasok ng mga estudyante at kawalan ng suplay sa ilang establisyimento dahil sa mga isinagawang road block.
Habang tumatagal, nananatiling mataas ang tensyon sa lansangan. Mariin namang iginiit ng mga lider ng protesta na hindi sila titigil hangga’t hindi binabawi ng gobyerno ang mga plano nitong austerity measures.
Sa kasaysayan ng France, ang ganitong uri ng malalaking kilos-protesta ay madalas nagiging kritikal na hamon para sa sinumang administrasyon. Nanatiling malaking tanong kung paano tutugunan ni Pangulong Macron ang lumalakas na boses ng kanyang mga kababayan.
Larawan mula sa Reuters