Chavit Singson, kinasuhan ng plunder at graft kaugnay ng bentahan ng lupain sa Ilocos Sur
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-20 23:38:16
MANILA — Sa gitna ng kanyang mga matitinding pahayag laban sa umano’y katiwalian sa administrasyong Marcos Jr., si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson naman ngayon ang humaharap sa kasong graft at plunder sa Office of the Ombudsman.
Batay sa mga ulat, isinampa ang reklamo laban kay Singson at ilan pang kasamahan dahil sa umano’y iregular na bentahan ng mga lupain na pag-aari ng gobyerno sa bayan ng Narvacan, Ilocos Sur. Ang mga lupaing ito ay sinasabing ibinenta sa paraang labag sa mga umiiral na batas at regulasyon sa pampublikong ari-arian.
Ang pagsasampa ng kaso ay nangyari ilang araw lamang matapos manawagan si Singson sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na imbestigahan ang flood-control projects sa Ilocos Norte — na tinukoy niya bilang “balwarte ng Pangulo.” Giit ni Singson, kung tunay na seryoso si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kampanya kontra korapsyon, dapat simulan ito sa kanyang sariling probinsya.
“Siya ang lider, siya ang Presidente. Para paniwalaan natin [siya], unahin natin ang Ilocos Norte na imbestigahan,” ayon kay Singson.
Dagdag pa ng dating gobernador, may hawak umano siyang mga ulat tungkol sa ghost projects at mababang kalidad ng flood-control works sa Ilocos Norte, ngunit aniya, tila hindi ito napag-uusapan sa Senado. “Sa Senado, lumabas na ba ang Ilocos Norte? Wala po,” giit niya.
Noong nakaraang buwan, binanggit din ni Singson ang mga Discaya — mga kontraktor umano ng Ilocos Norte — bilang sangkot sa flood-control scam. “Ang mga kontraktor nila sa Ilocos Norte mga Discaya rin eh. Paano tayo maniniwala sa mga iniimbestiga nila?”
Ngayon, sa gitna ng kanyang panawagan para sa transparency at pananagutan, tila bumaliktad ang sitwasyon — dahil siya mismo ang iniimbestigahan sa umano’y anomalya sa disposisyon ng mga lupaing pag-aari ng gobyerno. (Larawan: Chavit Singson / Facebook)