Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Di talaga nabubusog ang mga buwaya’— Barzaga, binatikos si Sen. Hontiveros sa gitna ng isyu ng budget insertions

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-20 23:17:06 ‘Di talaga nabubusog ang mga buwaya’— Barzaga, binatikos si Sen. Hontiveros sa gitna ng isyu ng budget insertions

MANILA — Muling umani ng atensyon sa publiko ang pangalan ni Senadora Risa Hontiveros matapos isapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) para sa taong 2024. Batay sa dokumento, nagkaroon ang senadora ng kabuuang assets na ₱19.88 milyon, liabilities na ₱897,840, at net worth na ₱18.99 milyon noong Disyembre 31, 2024. Kabilang sa kanyang mga pag-aari ang tatlong bahay, dalawang sasakyan, at ilang personal na kagamitan.

Ngunit sa halip na purihin, binatikos ni Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga ang paglalabas ng SALN ni Hontiveros. Sa kanyang matapang na pahayag, sinabi ni Barzaga, “Ang yaman na pala ni Risa Hontiveros, tapos gagawa pa siya ng Budget Insertions? Di talaga nabubusog ang mga buwaya.”

Ayon kay Barzaga, hindi sapat ang pagpapakita ng SALN upang ipakita ang “transparency” kung patuloy na may mga lumulutang na isyu ng bicameral insertions na hindi pa rin lubusang nililinaw ng senadora.

Matatandaang naging laman ng balita kamakailan ang umano’y ₱3.035 bilyong budget insertions na iniuugnay kay Hontiveros—isang alegasyon na mariin niyang itinanggi. Giit ng senadora, bahagi lamang ito ng “political smearing” na layong sirain ang kanyang kredibilidad bilang isa sa mga pangunahing kritiko ng administrasyon.

Sa ngayon, nananatiling mainit ang diskusyon sa social media hinggil sa isyung ito, na muling nagpapatingkad sa usapin ng transparency at accountability ng mga halal na opisyal ng bansa. (Larawan: Kiko Barzaga / Facebook)