Diskurso PH
Translate the website into your language:

300 taong gulang na pulpito sa Maragondon, gumuho! Heritage experts, agad kumilos para sa restorasyon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-16 15:31:35 300 taong gulang na pulpito sa Maragondon, gumuho! Heritage experts, agad kumilos para sa restorasyon

DISYEMBRE 16, 2025 — Gumuho ang makasaysayang pulpito na tinatayang may 300 taon na sa Nuestra Señora de la Asuncion Parish Church sa Maragondon, Cavite noong Disyembre 12, 2025. Agad na ipinaalam ng kura paroko ang insidente kay Imus Bishop Reynaldo G. Evangelista, habang nakipag-ugnayan naman ang Parish Lay Coordinator sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), lokal na pamahalaan, at Ministry on Cultural Heritage ng diyosesis.

Kaagad na isinara ang lugar upang maiwasan ang karagdagang pinsala. Ang mga piraso ng bumagsak na pulpito ay maingat na tinipon at inilagay sa baptistry ng simbahan. 

Kinilala ng NCCA na ang sanhi ng pagbagsak ay internal structural failure sa lumang suporta ng tornavoz o sound bar.

Ayon kay Architect Frances Quito ng NCCA, nasa maayos na kondisyon ang mga nakuhang wood panels at kinakailangan ang agarang konserbasyon. Sumunod na nagsagawa ng inspeksyon ang Maragondon Tourism Office at iba pang heritage groups. 

Noong Linggo, bumisita si Bryan Ferrer, coordinator ng Ministry on Cultural Heritage ng simbahan, upang tiyakin ang pakikipagtulungan sa gagawing restorasyon.

Nagsimula naman noong Lunes ang masusing pagsusuri nina Dr. Cheek Fadriquela, PhD., Wood Conservation Specialist ng NCCA, at Arch. Roy de Guzman ng RDG Ecclesiastical Architecture. Layunin nilang tukuyin ang lawak ng pinsala at angkop na hakbang para sa muling pagsasaayos ng pulpito na kinikilalang National Cultural Treasure.

Sa opisyal na pahayag ng parokya, sinabi ng mga opisyal: “Hinihiling po namin ang inyong patuloy na panalangin. Tinitiyak po namin na gagawin natin ang lahat alinsunod sa highest conservation standards para maibalik ang ating makasaysayang Pulpito sa dati nitong karangalan.” 

Patuloy ang koordinasyon ng simbahan, NCCA, at mga eksperto upang masiguro na ang isa sa pinakamatandang bahagi ng simbahan ay maibalik sa dating anyo at mapreserba para sa susunod na henerasyon.



(Larawan: Parroquia de Nuestra Señora de la Asuncion de Maragondon | Facebook)