Australia, nagpatupad ng Social Media Ban sa mga wala pang 16”bilang proteksyon sa mga kabataan
آنا لیندا سی روزاس Ipinost noong 2025-09-16 21:14:18
Sydney, Australia — Ipinagbabawal ng Pamahalaan ng Australia ang pagkakaroon ng social media accounts ng mga batang wala pang 16 taong gulang, alinsunod sa Online Safety Amendment (Social Media Minimum Age) Act 2024. Magsisimula ang bagong batas sa Disyembre 10, 2025, at nakatuon ang pananagutan sa mga kumpanya ng social media upang pigilan ang underage access.
Saklaw ng bagong patakaran ang mga platform tulad ng Facebook, Instagram, TikTok, Snapchat, X (dating Twitter), at YouTube, na dapat gumawa ng “makatuwirang hakbang” upang pigilan ang mga account ng mga wala pang 16. Ang mga kumpanyang hindi susunod ay maaaring pagmultahin ng hanggang AUD 50 milyon.
Ipinahayag nina Communications Minister Anika Wells at eSafety Commissioner Julie Inman Grant ngayong araw na inaasahan ng gobyerno ang paggamit ng “minimally invasive age checks” sa halip na obligahing lahat ng users na magbigay ng ID. Hinihikayat ang paggamit ng AI at behavioral analysis upang mapanatili ang privacy habang tinitiyak ang pagsunod.
Matatandaan sa unang pahayag ay hindi kasama ang YT, ngunit ngayon ay saklaw na rin ng kanilang batas ang pagbabawal sa pagkakaroon ng YouTube accounts ang mga batang wala pang 16, matapos ang pagbabago ng polisiya noong Hulyo 2025. Mayroon pa ring exemption para sa mga educational platforms tulad ng Google Classroom, Messenger Kids, WhatsApp, at ilang apps na may kinalaman sa kalusugan.
Mariing sinusuportahan ni Punong Ministro Anthony Albanese ang reporma, na binigyang-diin ang tumitinding pangamba ukol sa mental health, online exploitation, at mapanganib na content. Ayon kay Albanese: “Ito ay tungkol sa kapakanan ng mga batang Australyano.”
Sa nalalabing mga buwan bago ang pagpapatupad, mahigpit ang pressure sa malalaking tech companies na baguhin ang disenyo ng kanilang mga platform upang makasunod sa bagong pamantayan ng batas sa Australia. Binabantayan din ito ng iba’t ibang bansa na maaaring magsagawa ng katulad na hakbang.
Patuloy na nakatuon ang Pamahalaan ng Australia sa paglikha ng mas ligtas na online environment para sa mga bata at kabataan. Sa pamamagitan ng mga inisyatiba tulad ng Online Safety Act at sa pamumuno ng eSafety Commissioner, patuloy na nangunguna ang Australia sa pagtatakda ng pandaigdigang pamantayan para sa digital safety regulation.
larawan/google