Boying Remulla isiniwalat na may leukemia; anak nagsilbing bone marrow donor
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-27 07:35:56
MANILA — Isiniwalat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na siya ay may leukemia, kasunod ng kanyang quintuple bypass heart surgery noong 2023.
Sa isang panayam sa TV5, emosyonal na ibinahagi ni Remulla ang kanyang karanasan sa kalusugan, na aniya’y nagpabago sa kanyang pananaw sa buhay.
“Nung 2023, na-diagnose ako sa puso na kailangan ko ng bypass, so nagpa-opera ako, nagkaroon ako ng quintuple bypass, open heart, at noong pagaling na ako ay na-diagnose naman ako ng cancer, leukemia, cancer ng dugo,” ani Remulla.
Ayon sa ulat ng Inquirer, natuklasan ang leukemia matapos ang kanyang operasyon sa puso noong Hunyo 2023, habang siya ay nanunungkulan pa bilang Secretary of Justice.
Sumailalim si Remulla sa dalawang cycle ng chemotherapy, total body irradiation, at bone marrow transplant upang makabuo ng malulusog na blood cells. Ang kanyang anak ang nagsilbing bone marrow donor.
Sa kabila ng kanyang kondisyon, patuloy pa rin ang kanyang paglilingkod bilang Ombudsman. “I’m living day by day,” ani Remulla, na nagsabing mas pinahahalagahan na niya ngayon ang bawat araw at ang kanyang misyon sa serbisyo publiko.
Ang kanyang pag-amin ay umani ng suporta mula sa publiko, lalo na sa mga kapwa cancer survivors, na humanga sa kanyang katatagan at dedikasyon.
