DOF, BIR nais taasan ang tax exemption ceilings ng workers’ benefits
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-27 07:35:57
MANILA — Isinusulong ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagtaas ng mga ceiling para sa mga tax-exempt benefits ng mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor upang mapagaan ang pasanin sa araw-araw na gastusin at mapalakas ang social protection ng mga pamilyang Pilipino.
Ayon sa DOF, ang panukala ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa inclusive growth at mas maayos na kondisyon sa paggawa. “These changes are not just about numbers—they are about fairness and dignity in the workplace. Every Filipino worker deserves to benefit from the nation’s growth,” ani Marcos sa kanyang departure speech patungong Malaysia para sa 47th ASEAN Summit.
Ipinaliwanag ni Finance Secretary Ralph Recto na ang mga pagbabago ay may “minimal impact on the government revenues but will definitely make a significant difference for our workers.”
Dagdag pa niya, “We always aim to ease the burden of taxpayers. With this proposal, we want the people to truly feel the relief because they will be able to take home more income and it will help them reduce their daily expenses”.
Kabilang sa mga iminungkahing pagbabago ay ang pagtaas ng monetized unused vacation leave credits para sa mga pribadong empleyado mula 10 araw tungo sa 12 araw, at ang pagtaas ng medical cash allowance for dependents mula ₱1,500 tungo sa ₱2,000 kada semester. Mananatili naman ang kasalukuyang benepisyo para sa mga empleyado ng gobyerno sa vacation at sick leave credits.
Inaasahang magsisilbing modelo ang hakbang na ito para sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang mapalawak ang benepisyo ng mga manggagawa sa gitna ng tumataas na gastusin sa pamumuhay.
